MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga awtoridad na tiyaking istriktong maipatutupad ang mga batas sa imigrasyon sa Siargao, sa gitna ng mga hakbang ng gobyerno na isulong ang responsableng turismo at panatilihin ang kaligtasan sa mga popular na pasyalan ng mga turista.
Kaugnay sa direktiba ng Pangulo, muling pinaigting ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Viado ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units sa Siargao, Land Transportation Office (LTO), law enforcement agencies at mga kinatawan ng sektor ng turismo.
”Maliban sa pagsulong sa mga batas sa imigrasyon, layunin din ng pakikipag-ugnayan ni Commissioner Viado na isulong ang responsableng turismo at mapanatili ang kaligtasan ng publiko,” diin ni Presidential Communications Office at Palace Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malakanyang.
Sinabi pa ni Castro na sisimulan na rin ng BI ang pagsasagawa ng mga capacity-building seminar ngayong buwan para sa mga lokal na opisyal at kanilang mga frontline personnel upang mapahusay pa ang kanilang kaalaman sa immigration laws, wastong pag-endorso ng mga kaso, at koordinasyon sa mga ahensya ng gobyerno.
Samantala, itinutulak naman ng LTO na magkaroon ng mahigpit na koordinasyon sa BI para maresolba ang mga paglabag sa batas-trapiko ng mga sinasabing mga dayuhang motorista, kabilang na ang pagmamaneho ng walang lisensya, pagmamaneho ng lasing at hindi paggalang sa iba pang batas trapiko.
Sinabi ni Castro na binigyang-diin ng BI na patuloy na ipatutupad ang mga batas sa imigrasyon sa patas at propesyonal na pamamaraan.
Dagdag pa ni Palace Press Officer na binigyang-diin ng pamahalaan na ang proteksyon sa kapakanan at seguridad ng publiko ay dapat kasabay ng pagtiyak sa kapakanan at kaligtasan ng mga dayuhang turistang bumibisita at naglilibang sa Pilipinas.
“Sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., isinusulong ng pamahalaan hindi lang ang kapakanan at seguridad ng taumbayan Kundi kasama ang mga dayuhang turista na tumatangkilik sa ganda ng Pilipinas,” pagtatapos ni Castro. KRIS JOSE