SA susunod na taon, magluluklok muli sa pamamagitan ng boto ang sambayanang Pilipino ng mga bagong mambabatas sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso, pati na ng mga mamumuno sa lokal na pamahalaan at kakatawan sa mga mahihinang sektor o Partylist.
Record breaking sa dami ng mga naghain ng kanilang certificate of candidacy ngayong taon na nagnanais maging senador na umabot sa kabuuang 183 samantalang 12 lamang ang paglalabanang pwesto sa Senado.
Syempre, kailangang salain ng Commission on Elections dahil marami sa kanila ay walang kakayanang mangampanya habang may ilang hindi sigurado kung nasa wastong pag-iisip.
Dati, winawalis talaga ng Comelec ang mga panggulong kandidato, ngayon ay mahihirapan na ang komisyon dahil sa inilabas na kautusan ng Korte Suprema na hindi porke mahirap at walang sapat na pondo para matustusan ang pangangampanya ay maituturing na panggulo o nuisance candidate.
Pero kung si Dr. Cecilio Pedro, presidente ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc., ang masusunod, nais niyang tamang kwalipikasyon ang ihain ng mga tumakbo bilang mga mambabatas.
Ayon kay Dr. Pedro, sa umiiral na patakaran ngayon sa pagpili ng sambayanang Pilipino ng mga ihahalal na lilikha ng batas, maaaring maupo ang mga walang alam sa paglikha ng batas at aasa lamang sa kanilang mga upahang abogado na tutulong sa kanila na karagdagang gastos ng pamahalaan.
Sabi niya, wala na ang panahon noon na pawang mga “de-kampanilya” o mga propesyonal sa kanilang mga larangan na nagtapos ng pag-aaral sa mga prestihiyosong Pamantasan na may mataas na grado ang mga nakaupong mambabatas sa Senado at Kongreso.
Sabi ni Dr. Pedro, kung may hinihinging kwalipikasyon ang batas para sa mga nagnanais maging pulis, mas lalo na sigurong dapat bigyan ng kuwalipikasyon ang mga nagnanais na maging mambabatas na siyang lilikha ng batas sa ating bansa.
Dagdag niya, ngayon kasi kung sino ang mga bantog ang pangalan, o yung mga sikat at may malaking pondong gugugulin sa pangangampanya, sila ang nagtatagumpay at ang mga tunay na kwalipikado pero hindi kilala at kulang sa pondo, pinupulot sa kangkungan.
Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.