MANILA, Philippines – Pulitika ang nakikita ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na sanhi kung bakit binabatikos si Vice President Sara Duterte na gumastos ng mahigit P125 milyon confidential funds sa loob ng 11 araw noong Disyembre 2022.
Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng pambansang pulisya sa panahon ni ex-President Rodrigo Duterte na walang ebidensiya na ibinulsa ni Sara ang confidential funds na pawang gawa-gawa ng magiging kalaban sa 2028 presidential elections.
Ipinaliwanag pa ni Dela Rosa, masugid na kaalyado ng dating administrasyong Duterte na kayang gastusin ang P125 milyon kahit sa loob ng 19 araw mas matagal kaysa Office of the Vice President na umabot lamang sa 11 araw alinsunod sa audit report ng Commission on Audit (COA).
Idinagdag pa ni Dela Rosa sa pahayag na wala itong nakikitang mali sa paggamit ng naturang pondo dahil naibigay ang pondo sa huling 19 araw ng 2022 bago magpaso ang awtorisasyon na gastusin at maibalik sa Bureau of Treasury.
“Paanong ‘di maubos ng 19 days, eh 19 days lang ‘yung allowance para magamit ‘yung pera na ‘yan? So within that period of time, alam mo naman ‘yung pag-release ng SARO [Special Allotment Release Order] to the expiration of that SARO is hanggang ganoon lang kahaba ang panahon,” paliwanag niya.
“Minabuti ng ahensiya na gamitin talaga, dahil naka-program na ‘yan lahat,” dagdag pa niya.
“Nakalagay naman ‘yan lahat kung ano gagawin niya for that year, for that particular fiscal year. So talagang ginastos within that period of time,” diin pa ng senador.
“Bakit, sinabi ba ng COA na mali ‘yun?” tanong ni dela Rosa. “Hindi naman sinabi ng COA na ‘yan ay corruption. Observation lang ng COA na naubos within that period of time.”
Walang iniulat ang COA na may paglabag ang Office of the Vice President, ayon pa kay dela Rosa.
“Meron ba nakita na corruption? Wala naman,” aniya.
“‘Yung pagsabi lang na ganoon kaiksi ang panahon sa pagka-gamit ng pera ay sinasabi kaagad nila na issue laban sa Office of the Vice President. Pero wala pang nakita [na] corruption ‘yung COA sa kanilang ginawang audit.”
Inihalimbawa ni Dela Rosa ang kanyang karanasan bilang hepe ng pulisya sa paggastos ng surveillance funds at ipinaliwanag na posible ang paggastos ng pondo nang mahusay kahit sa maikling panahon lang.
“Pwede,” aniya. “Kalaki ng Pilipinas, lahat ng mga plans and programs and activities mo pertaining to intelligence … I’m speaking in behalf of the PNP. Halimbawa, late na lumabas ‘yung SARO, bandang dulo na ng taon. Pero before, ‘yan ang basis namin sa pagpo-propose ng ganito kalaking intelligence funds.”
“… Base ‘yan sa plans, programs and activities na ginagawa ng ahensiya. Down the line ‘yan, from the national headquarters to the smallest police station. Naka-program ‘yan, may intelligence activities, plans and progams. So it’s just a matter of implementation,” dagdag na paliwanag nito.
“Iyong time na sinasabi mo na imposible ba, posible yan. Kayang-kayang gawin ‘yan, dahil as I’ve said, naka-ready na. Implementation na lang ang kulang,” ayon kay dela Rosa.
Kaya, aniya, resulta ng partisan politics ang nangyayari kay Duterte at pag-asinta nito sa 2028 presidential elections.
“Sigurado ‘yan, kapag bunga ang kahoy ay maraming bunga, ito’y binabato. So that’s klarong pamumulitika ‘yan. Pamumulitika. ‘Di naman lumabas ‘yung issue na ‘yan noong panahon [na] ang vice president ay miyembro ng opposition,” ani dela Rosa.
Kahit minsan, hindi nagkaroon ng surveillance funds ang pinalitan ni Duterte, si dating Vice President Leni Robredo. Ernie Reyes