MANILA, Philippines – Pansamantalang sinuspinde ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang flight operations sa Bicol International Airport sa Daraga, Albay nitong Lunes, Oktubre 2, dahil sa ‘bomb joke.’
Sa panayam, sinabi ni CAAP spokesperson Eric Apolonio na may nagbiro tungkol sa bomba sa
Cebu Pacific Airlines Flight 5J 326 habang ito ay nasa runway pa.
Ang insidente ay nangyari bandang 10:45 ng umaga.
Sa inisyal na imbestigasyon, may nag-iwan ng sulat sa comfort room ng eroplano.
Bilang bahagi ng precautionary measure, isinara ang runway at pinababa ang mga pasahero patungo sa arrival area para sa security inspection.
Sinuri ng mga tauhan ng CAAP at paliparan ang mga bagahe at hand-carried items ng mga pasahero.
Dahil sa suspensyon ay apektado ang limang parating at paalis na flight sa nasabing paliparan.
Bandang alas-2 ng hapon, inanunsyo na ang operasyon sa Bicol International Airport ay balik na sa normal.
Ayon sa mga awtoridad, wala namang natagpuang bomba, ngunit nagpapatuloy na ang imbestigasyon sa insidente.
Humingi na rin ito ng tulong sa Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group. RNT/JGC