MANILA, Philippines – Nag-isyu ng warrant of arrest ang korte sa Bacoor laban sa isang Italian national at dalawang Filipino nitong kasabwat dahil sa serious illegal detention at large-scale illegal recruitment.
Ang dalawang kasong ito ay non-bailable offenses.
Nakita ni Judge Froilan Buenventura Pitpit ng Bacoor City Regional Trial Court ang probable cause para panagutin si Italian Adel En Nouri at co-accused nito para sa paglilitis at ipinag-utos ang agarang pag-aresto sa mga ito.
Si En Nouri at mga kasabwat nito ay sinampahan ng reklamong illegal recruitment sa ilalim ng Republic Act No. 8042, at serious illegal detention sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code.
“You are required to use at least one body-worn camera and one alternative recording device, or a minimum of two devices, or such number as may be necessary to capture and record the relevant incidents in the execution of this warrant…,” ipinag-utos ng husgado sa mga awtoridad.
Ayon sa tatlong complainant ng kaso, nilapitan sila ng dalawang kasabwat ni En Nouri noong Enero 4, 2025 habang sila ay nagtatrabaho sa Bacoor at pinangakuan ng trabaho sa Singapore na may mataas na sahod at libreng accommodation kapalit ng P80,000 na placement fee.
Nagbigay ng initial down payment na P30,000 ang tatlo noong Enero 9, 2025 at kalaunan ay inatasan na magtungo sa opisina sa Bacoor City para iproseso ang kanilang overseas employment.
Sinabihan din ang mga ito na kumpletuhin ang application forms at pinatutuloy sa opisina habang naghihintay ng deployment.
Noong Pebrero 2, 2025 naman ay pinagbantaan umano ang mga complainant, kinumpiska ang mga cellphone, at hindi pinapaalis sa opisina hangga’t hindi nagbabayad ng P50,000 na balanse.
Apat na araw ikinulong ang mga ito sa loob ng opisina at nagawa lamang makatakas noong Pebrero 7, 2025 kung saan na sila nagsumbong sa mga awtoridad.
Sa beripikasyon sa mga complainant ay nakita na ang umano’y recruitment agency ay hindi lisensyado ng Department of Migrant Workers, dahilan para maghain ng reklamo laban dito.
Sa resolusyon na may petsang Marso 31, 2026, nakita ng Department of Justice (DOJ) na “there exists a prima facie case with reasonable certainty of conviction to indict respondents.”
Si En Nouri ay dati na ring subject ng hiwalay na qualified human trafficking case na inihain sa Bacoor City Prosecutor’s Office. RNT/JGC