DARWIN- Maglalayag ang Italian carrier strike group sa una nitong deployment sa Indo-Pacific region sa South China Sea patungo sa Pilipinas matapos lumahok sa war games kasama ang US allies sa Australia, base sa senior Italian navy official nitong Huwebes.
Ito ay sa gitna ng umiigting na tensyon sa pagitan ng China at ilang karatig-bansa sa pinagtatalunang South China Sea region. Halos 40% ng foreign trade ng Europe ay dumaraan sa South China Sea, kung saan nagsagawa ang United States, Japan, Australia at iba pang bansa ng joint maritime exercises. Inaangkin ng China ang halos kabuuan ng strategic waterway.
Ang Italian aircraft carrier Cavour ay nasa Darwin sa Australia upang makibahagi sa Exercise Pitch Black ngayong linggo, kung saan isinali ng Italy ang halos dalawang dosenang fighter jets sa 20-nation drills, na hinost ng Australia.
Kalahok din dito ang United States, Britain, Japan, Pilipinas, at Papua New Guinea.
Ito ang unang pagkakataon na lumahok ang isang aircraft carrier sa pagsasanay, ayon kay Italian Navy Rear Admiral Giancarlo Ciappina.
“Pitch Black gives us a chance to work with the main F-35 communities, shoulder to shoulder,” pahayag ni Captain Dario Castelli, carrier air wing commander ng strike group. “In terms of deploying far from home, it is also an incredible logistics exercise for us.”
Pagkatapos ng pagsasanay sa Aug. 2, bibiyahe ang 1,200-person strong Italian carrier strike group sa US Pacific territory ng Guam at Japan, bago dumaan sa South China Sea patungo sa Pilipinas sa unang pagkakataon, base kay Ciappina.
Magsasagawa lamang umano ang Cavour ng humanitarian work sa Pilipinas, kung saan magsasagawa ng operasyon sa mga bata sa ospital ng barko habang nasa pantalan sa Manila, base sa opisyal.
“An aircraft carrier—just being present somewhere, it has an effect, it can influence. It is a very powerful tool,” wika ni Ciappina. RNT/SA