MANILA, Philippines – “NOT guilty!”
Ito ang inihain ng itinuturong umano’y “utak” sa pagpatay sa founder ng United Auctioneers Incorporated makaraang humarap ito sa Regional Trial Court (RTC) sa Maynila nitong Lunes, Abril 21.
Ang akusadong si Allan Dennis Sytin ay naghain ng not guilty plea sa kasong murder at frustrated murder na kinakaharap nito sa Branch 7 ng RTC Manila.
Si Allan Dennis Sytin ay ang itinuturong utak ng pagpatay sa negosyanteng kapatid na si Dominic Sytin0 ,founder ng United Auctioneers Incorporated dahil sa hindi pagbibigay ng share ng kita ng kompanya sa akusado.
Nabatid na binaril si Dominic Sytin sa tapat ng isang hotel sa Subic Bay Freeport Zone, Olongapo City noong Nobyembre 28, 2018.
Ang akusado ay nadakip ng mga tauhan ng Royal Malaysian Police sa isang club sa Selangor, Malaysia noong Marso 22, 2025.
Nang maibalik sa bansa ay agad na inilipat si Allan Dennis Sytin sa Manila City Jail – Male Dormitory bunsod na din sa inilabas na kautusan ni Manila RTC Executive Judge Carolina Icasiano -Sison ng Branch 18.
Nabatid na nauna nang naaresto ang umano’y nagsilbing gunman na si Edgardo Luib at ang middleman na si Ryan Rementilla na nahaharap sa kaparehong kaso. JAY Reyes/Jocelyn Tabangcura Domenden