Home ENTERTAINMENT Ivana, ‘P.G.’ sa sardinas!

Ivana, ‘P.G.’ sa sardinas!

Manila, Philippines – Food trip.

Ito ang naging epekto kay Ivana Alawi pagkatapos mapanood ang sardinas eating challenge sa video ng isang content creator.

Nagkataon namang galing sa taping si Ivana ng Batang Quiapo at hindi pa naghahapunan.

Upon reaching home, nagbukas ang sexy actress ng isang lata ng sardinas.

Ibinuhos niyang lahat ang laman nito sa kanin sa kanyang pinggan at nakakamay na “binanatan” ito na parang P.G.

Para lalo siyang ganahan sa pagkain ay pinatakan ‘yon ni Ivana ng kalamansi at nilagyan ng sili.

Karaniwang pinapatakan ng kalamansi ang sardinas para mawala ang lansa nito.

Nakunan ng video ang maganang pagkain ng sardinas ni Ivana.

Nag-viral ito sa dami ng mga nag-reshare.

Bigla raw naalala ni Ivana ang mga panahon noong mga bata pa sila’t mahilig kumain ng sardinas.

Kasabay nito’y nag-iwan ng paalala si Ivana na matutong magpasalamat dahil biyayang maituturing ang sardinas o kahit ano pang pagkaing nakahain sa ating hapag kainan.

Ang paglantak ni Ivana ng sardinas ay “inspired” nga ng sardines eating challenge ng isang food vlogger.

Tila ito rin ang inokray-okray naman ni Pokwang kung saan nasuka’t parang diring-diri ang vlogger nang tikman ang sardinas.

Ipinamukha nga ni Pokwang na ang kaartehan ay binabagayan ng itsura ng tao.

Kabaligtaran nga naman ‘yon sa kaso ni Ivana na pagkaganda-ganda pero sarap na sarap sa sardinas. Ronnie Carrasco III