Home OPINION IWAS SUNOG PARA SA KINABUKASAN

IWAS SUNOG PARA SA KINABUKASAN

PUMASOK na nga ang buwan ng Marso at dala-dala nito ang tag-init.   At tulad ng inaasahan, laman ng mga balita ang magkakasunod na insidente ng sunog sa Kamaynilaan at iba pang mga sentrong lungsod sa ibang probinsya.

Sa totoo lang, parang hirap maintindihan na bakit ba ang dami-daming sunog habang isang buwan nga dapat na pinipipigilan ng buong gobyerno ang magkasunog.

Sa talaan ng Bureau of Fire Protection o BFP, mas dumami ang insidente ng sunog sa unang tatlong buwan ng 2024, kumpara sa parehong panahon noong 2023.   Nabanggit din ng ilang opisyal na patuloy pa din ang ilang hamon na hinaharap ng ahensya, tulad ng kakulangan sa tauhan at kagamitan, bukod pa sa pondo para mas maiangat nila ang kanilang teknikal na kakayahan.

Ang mas medyo kakaibang hamon sa hanay ng mga bumbero ngayon ay itong patuloy na ‘forest fire’ na naglalagablab sa bulu-bunduking ng Benguet.

Lampas isang linggo na ang sunog na ito, ekta-ektaryang gubat at talahiban na rin ang natupok at apektado na rin ang summer capital natin na Baguio City.  Wala naman tayong fire chopper o helicopter na pamatay sunog at medyo hindi pa tayo sanay sa ganitong uri at kalaking forest fire.

Mabuti na lang at tuloy-tuloy na ang pagpapatupad ng modernisasyon ng “kabumberohan” o BFP. Ayon sa RA 11589 na nilagdaan noong 2021, dapat ay matapos ang kabuuang modernisasyon ng BFP sa loob ng sampung taon, kasama na ang pagbibigay ng sapat na pondo.

Ito ang tamang direksyon ng modernisasyon ng BFP.   Konkretong programa at plano, malinaw na alokasyon ng pondo, at tuloy-tuloy na pagpapataas ng kalidad ng mga tauhan.   May nabalitaan nga ako na merong isang fire station sa CARAGA region na puro babae ang kanilang mga staff, mula sa hepe hanggang sa fire truck driver at lahat ng staff na bumbero.

Sa akin lang naman, hindi pa rin ako naniniwala na mas mabuti pa ang manakawan kesa masunugan, kasi ‘pag pera ng bayan ang ninakaw, buong bansa at mga susunod na henerasyon ang masusunog ang kinabukasan.

Previous articleNAMAMAYAGPAG SI TULFO
Next articleKONEKSYON NG TSINO MATINDI