Home OPINION KONEKSYON NG TSINO MATINDI

KONEKSYON NG TSINO MATINDI

DEDMA lang ng ilang kababayan ang ginagawang panggigipit ng mga Intsik sa West Philippine Sea sa kabila nang halos nagkakandarapa na ang gobyerno para depensahan ang ating teritoryo laban sa pwersa armada ng mapang-aping dayuhan.

Isipin n’yo naman na sa araw-araw na ginawa ng Diyos,pasakit sa ating mangingisda na lumalaot sa West Philippine Sea ang ginagawang pagtataboy ng sangkatutak na mga barko ng Chinese Coastguard at Militia na mistulang nagmamay-ari ng buong karagatang maliwanag pa sa sinag ng buwang inangkin lang naman nila.

Hindi pa kabilang d’yan ang pambabalahura at pagharang ng mga dambuhalang barko ng Tsino sa ating Philippine Coast Guard at iba pang grupong naghahatid ng pangunahing pagkain, krudo’t gasolina sa ating mangingisda at maliit na destakamento ng mga sundalong patuloy na nagbabantay ng ating teritoryo sa WPS na wala rin namang magawa para ipagtanggol ang ating karagatan na napapaloob sa Exclusive Economic Zone ng ‘Pinas.

Sa madaling sabi,  hindi na makwenta kung ilang libong beses nakaranas tayo ng lahat ng uri nang pambababoy sa kamay ng mapang-abusong dayuhang matagal nang bantay-sarado ang inangking teritoryo roon.

Ang hindi lang maarok ng isip ng taumbayan ay kung bakit sa kabila ng lahat ng pang-aaping inaani nila mula sa mga Intsik ay may ilan pa rin na kababayang opisyal ang hindi tinatablan nito bagkus ay pinapaboran pa sila.

Kagaya nang inirereklamo ng ilang senador na malayang nakapapasok sa bansa ang mga dayuhang Tsino na kadalasan ay kulang naman ang mga dokumento nito samantalang mahigpit ang ipinatutupad na patakaran kapag kapwa Pinoy ang naglalakad ng mga papeles sa Bureau of Immigration.

Batid ng sambayanan na sadyang malaki ang hatag ng mga Intsik sa pamamagitang ng ilang buwayang opisyal na kakutsaba ng mga dayuhan subalit sukdulang makapal lang talaga ang mga mukha nitong ilang kababayang nakikinabang sa limpak limpak na kwartang nagsasara sa kanilang mata sa  balitang pang-aabuso na tinatanggap ng mamamayan sa WPS.

Kaya naman may punto si Senador Joel Villanueva na batikusin ang nilumot na na raket sa loob ng BI na hindi pa rin matuldukan hanggang ngayon.

Kung ako sa ating butihing mambabatas, irekomenda niyang sa WPS itapon ang ilang opisyal na ito baka sakaling tumalab pa sa mukha nila ang masasaksihang pambababoy na ginagawa ng mga dayuhang Tsino.

Previous articleIWAS SUNOG PARA SA KINABUKASAN
Next articleHUSTISYA PARA SA NI-REYP, TSINAPTSAP