Home NATIONWIDE Iwas-trapik sa Andaya Highway: Mga motorista, pinadaraan sa Maharlika

Iwas-trapik sa Andaya Highway: Mga motorista, pinadaraan sa Maharlika

MANILA, Philippines – Hinikayat ng mga awtoridad ang mga light vehicle na patungong Bicol mula sa Manila, at pabalik, na dumaan na lamang sa Maharlika Highway dahil sa nagpapatuloy na road repair sa Andaya Highway.

Ito ay upang maiwasan ang matinding traffic sa lugar na inaabot ng halos tatlong oras.

Sa ulat, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bicol na tatagal hanggang Disyembre 30 ang repair ng nasirang bahagi ng Andaya Highway sa Lupi.

Nauna nang sinabi ni DPWH Region 5 director Virgilio Eduarte na nakumpuni na ang tatlong portion ng highway.

“Ongoing pa rin po iyong tinatapos iyong side po doon sa Andaya Highway. Pero iyong tatlong side po, na maigsi lang po iyon, ay natapos na po iyon,” ani Eduarte.

“So, isa na lang po iyong one-way traffic natin diyan sa Lupi. May kahabaan kasi itong ginagawa diyan pero pinipilit po naming matapos bago mag-Bagong Taon,” dagdag pa niya. RNT/JGC