MANILA, Philippines – Dumating na sa bansa ang mahigit 20 overseas Filipino workers (OFWs) na napauwi mula Israel bilang bahagi ng voluntary repatriation program ng pamahalaan kasabay ng nagpapatuloy na tensyon sa nasabing bansa.
Sa ulat, sinalubong ang mga na-repatriate na OFW sa Ninoy Aquino International Airport ng mga representative mula sa Department of Migrant Workers, Department of Social Welfare and Development, at medical team.
Nagbigay naman ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng pagkain, libreng transportasyon, financial assistance at hotel accommodations.
Matatandaan na nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mapayapang resolusyon sa tumitinding tension sa rehiyon.
“The Philippines is gravely concerned over the catastrophic humanitarian situation in Gaza and the increasing tensions in the Middle East, particularly in Lebanon,” ayon kay Marcos.
Noong Oktubre, inatasan ni Marcos ang pamahalaan na gamitin ang lahat ng “available assets” para masiguro ang kaligtasan at napapanahong repatriation ng mga Filipino sa Middle East.
“We are now going to evacuate our people by whatever means – by air or by sea,” anang Pangulo.
“And, just make all the preparations so that malapit na lahat ng asset natin. Kung may barko tayong kukunin, nandiyan na malapit na sa Beirut na sandali lang basta’t the Embassy gives us the clearance and they say that our people can go, mailabas na kaagad natin so that hindi sila naghihintay ng matagal in danger areas.” RNT/JGC