MANILA, Philippines – Patay ang isang 48-anyos na magsasaka noong araw ng Pasko matapos na maghain ng petisyon laban sa umano’y flying voters sa Pualas, Lanao del Sur.
Kinilala ni Police Lt. Col. Juanito J. Jamis, Lanao del Sur police deputy provincial director for operations, ang biktima na si Zainodin Sarip Guro.
Si Guro ay kararating lamang sa bahay mula sa sakahan nang dumating ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo at paputukan ito.
Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril si Guro at namatay on the spot.
Wala umanong tukoy na kaaway si Guro ngunit sinabi na ang biktima at pamangkin nito ay naghain ng petisyon sa Comelec dahil sa presensya ng flying voters sa munisipalidad.
Posible aniya na politically motivated ang sanhi ng pamamaril.
Narekober ng mga awtorida ang apat na cartridge cases na isasailalim sa ballistic examination.
Nagpapatuloy din ang follow-up investigation sa insidente. RNT/JGC