Home NATIONWIDE Pinsala sa kalsada sa Lopez, Quezon sa landslide, lumala pa

Pinsala sa kalsada sa Lopez, Quezon sa landslide, lumala pa

MANILA, Philippines – Mas lumala pa ang pinsala sa kalsada sa Lopez, Quezon dahil sa landslide na nangyari noong Disyembre 14.

Sa kasalukuyan ay tanging light vehicles lamang ang pinapayagan na dumaan sa Lopez-Hondagua Road makaraang mas bumagsak ang bahagi ng kalsada kasunod ng malalakas na pag-ulan.

Unang napinsala ang kalsada noong Disyembre 14.

Naitulak din nito ang mga bahay sa gilid ng kalsada.

Nagsagawa na ng soil boring ang Department of Public Works and Highways 4th District Engineering Office sa lugar.

Agaran umano nilang kukumpunihin ang kalsada para madaanan na ito ng mga motorista.

Matatandaan na nasira ang 15 tirahan nang biglang gumuho ang lupa sa Barangay Matinik sa Lopez, Quezon gabi ng Disyembre 14.

Wala naman umanong naramdaman na pagyanig ang mga residente at bigla na lamang nagkabitak-bitak ang pader at pundasyon ng kanilang mga tirahan.

Bukod sa mga bahay at kalsada, naapektuhan din nito ang riles ng tren at umangat pa ang ilang kalsada sa bayan. RNT/JGC