Home NATIONWIDE Ex-BFAR chief Gongona, suwak sa graft

Ex-BFAR chief Gongona, suwak sa graft

MANILA, Philippines – Tuloy ang mga kasong graft laban kay dating Agriculture Usec. at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Director Eduardo B. Gongona kaugnay ng kontrobersiyal na P2-bilyong vessel monitoring system (VMS) project.

Ito ay matapos ibasura ng Office of the Ombudsman ang dalawang mosyon ni Gongona na humihiling ng muling pag-aralan ang resolusyong may petsang Pebrero 5, 2024.

Ang resoluyon ay nag-aatas ng pagsasampa ng kaso laban sa kanya at sa dalawa pang akusado para sa dalawang bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o “Anti-Graft and Corrupt Practices Act”, at tig-isang bilang ng paglabag sa Sections 3(g) at 3(j) ng parehong batas.

Sa 13-pahinang kautusan na aprubado ni Ombudsman Samuel R. Martires noong Oktubre 2, ibinasura ang mosyon ni Gongona dahil sa kawalan ng legal na basehan.

Ayon sa Ombudsman, hindi nakapagbigay si Gongona ng bagong ebidensiya na makakapagpabago sa naunang desisyon, at wala rin siyang naipakitang pagkakamaling legal o iregularidad na magbibigay-katuwiran upang baligtarin ito.

Nauna nang inihayag ng Ombudsman na may probable cause upang kasuhan sina Gongona, dating BFAR National Director Demosthenes R. Escoto, at Simon Tucker, CEO ng UK-based SRT Marine Systems Solutions Ltd. (SRT-UK), kaugnay ng umano’y iregular na pag-award ng kontrata sa SRT-UK para sa Phase 1 ng Integrated Marine Environment Monitoring System Project o PHILO Project.

Layunin ng PHILO Project na maprotektahan ang yamang-dagat at malabanan ang ilegal na pangingisda sa exclusive economic zone ng bansa gamit ang VMS para sa malalaking komersiyal na sasakyang pangdagat. Bahagi ng proyekto ang pagbili ng VMS transmitters at transceivers.

Ang proyekto ay inisyal na popondohan ng utang mula sa gobyerno ng France at nagkakahalaga ito nang P1.6 bilyon subalit may kondisyon na dapat na French o may ka-joint venture na isang French company ang sinumang bidder.

Noong 2017, idineklarang winning bidder ang SRT-France, isang subsidiary ng SRT-UK, subalit hindi ito kinilala ng pamahalalan ng France dahil British ang nagmamay-ari ng kompanya.

Natuklasan din na isang buwan pa lamang na naitatayo ang SRT-France at wala itong pasilidad sa France kung kaya posibleng mabelawala ang loan agreement.

Sa ibang bidding noong 2018, ang SRT-UK naman ang nanalo subalit nasa P2.09 bilyon na ang aprubadong budget na lokal nang popondohan.

Pinalawak din ang sakop ng proyekto, mula sa orihinal na plano para sa 2,500 two-way satellite VMS transmitters at 1,000 one-way satellite transmitters, may idinagdag na rito na 5,000 VMS transceivers para sa mga komersyial na sasakyang pandagat, kasama ang satellite services para sa buong tagal ng proyekto.

Sa pagbabasura sa mga mosyon ni Gongona, hindi tinanggap ng Ombudsman ang kanyang paliwanag na wala siyang alam sa diskuwalipikasyon ng SRT-France at umasa lamang siya sa rekomendasyon ng Bids and Awards Committee (BAC) at Technical Working Group.

Sinabi ng Ombudsman na may records na nagpapakitang alam ni Gongona ang posibleng isyu sa pagiging kuwalipikado ng SRT-France sa panahon ng bidding process.

Sa kabila ng mga pagdududa, inaprubahan pa rin ni Gongona ang mga resolusyon ng BAC na nagpapatibay sa eligibility ng SRT-France. Pinuna ng isang karibal na bidder, ang Collecte Localisation Satellites, ang eligibility ng SRT-France, partikular ang paggamit nito ng kuwalipikasyon ng parent company nito.

Dagdag pa rito, binatikos din ng Ombudsman ang hakbang ni Gongona na kanselahin ang loan agreement sa France kahit wala pa namang indikasyon mula sa French government na babawiin nito ang financial aid.

Napansin din na nilagdaan ni Gongona ang Notices of Award para sa SRT-France at SRT-UK, pati na rin ang kontrata para sa PHILO Project kasama si Simon Tucker ng SRT-UK. RNT