Home NATIONWIDE Jade Castro, 3 pa muling kakasuhan ng arson ng PNP 

Jade Castro, 3 pa muling kakasuhan ng arson ng PNP 

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police Regional Office Region 4-A (PRO 4A) nitong Martes na muli itong maghahain ng destructive arson charges laban sa filmmaker na si Jade Castro at tatlo pa kaugnay ng umano’y pagsunog sa isang modern jeepney sa Catanauan, Quezon.

Ito ay matapos pakawalan si Castro at tatlo pa niyang kasamahan— Ernesto Orcine, Noel Mariano, at Dominic Ramos — nitong Lunes ng gabi matapos paboran ng Quezon court ang kanilang motion to quash, na humahamon sa legalidad ng pagkakaaresto sa kanila.

“We, in the Police Regional Office CALABARZON, remain committed to ensuring justice is served and will continue our thorough investigation into the case,” pahayag ni Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, PRO 4A Regional Director.

“We will diligently gather appropriate evidence and work towards re-filing the case of destructive arson against the accused,” giit ni Lucas.

Noong January 31, inaresto ang film director at kanyang co-accused nang walang warrant sa Mulanay, Quezon dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa pagsunog sa isang modern jeepney sa Barangay Dahican sa bayan ng Catanauan.

Kalaunan ay inamin ng mga pulis na wala silang pisikal na ebidensyang nag-uugnay kay Castro at kanyang mga kasamahan sa krimen.

Sa 16-page order, sinabi ng Catanauan Regional Trial Court (RTC) Branch 96 na hindi nito maaaring kunin ang hurisdiksyon sa apat na indibidwal dahil inaresto sila ng mga miyembro ng Catanauan Municipal Police Station (MPS) “not in accordance with Section 5(b), Rule 113 of the Rules of Court.”

“[T]he motion(s) to Quash the Information… is partially granted, and the said Information is hereby quashed, on the ground of lack of jurisdiction of this Court over the persons of accused,” anito.

Subalit, sinabi ng korte na hindi sinasaraduhan ng desisyon ang case build-up ng Catanauan police upang matukoy ang kanilang pagkakasangkot.

“This ruling cannot be interpreted as a resolution of this case on the merits which can be further strengthened by the MPS Catanauan and the prosecution through a regular preliminary investigation,” giit ng korte.

“An order sustaining the motion to quash is not bar to another prosecution for the same offense unless the motion was based on the grounds specified in Section 3(g) and (i) of this Rule,” dagdag nito.

Ayon sa PRO 4A, oobserbahan nito ang legal process sa pagsusulong ng arson charges at makikipag-ugnayan sa abogado ng may-ari ng sasakyan. Gayundin, magpapatulong umano ito sa prosecutors mula sa Department of Justice para sa case build-up.

Samantala, sa pinakabagong ulat, naghain ang Philippine National Police’s Regional Internal Affairs Service (PNP-RIAS) ng administrative case laban sa tatlong pulis sa warrantless arrest kay Castro at tatlo pa niyang kasamahan.

Kinumpirma ito ni Police Regional Office 4A Public Information Office chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran.

“Meron nga daw po. Para po malaman kung may lapses doon sa pag aresto,” aniya.

Una itong inanunsyo ng abogado ni Castro na si Mike Marpuri sa isang briefing nitong Martes.

“I got a phone call just this morning from PNP-RIAS… na they filed motu proprio administrative cases against the chief of police, the investigator, and the arresting officers,” ani Marpuri.

Kinilala ni Marpuri ang mga pulis na sina Police Captain Daniel Dela Cruz, Police Senior Master Sergeant Jonjon Pordan, at Police Corporal Christian Abenilla. Kasado umano ang preliminary hearing sa Biyernes. RNT/SA