MANILA, Philippines- Iniugnay ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbaba sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa lumalagong ekonomiya ng bansa.
Inilabas ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang pahayag kasunod ng ulat ng Philippine Statistic Authority (PSA), sa January 2024 Labor Force Participation Survey na bumaba sa 2.15 milyon noong Enero ng taong ito mula sa 2.38 milyon na naitala sa parehong buwan noong nakaraang taon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.
Idinagdag pa na ang PSA report ay base sa iba’t ibang factors na nakaapekto sa pagbabago sa larangan ng trabaho at employment.
Sinabi ni Laguesma na patuloy ang DOLE sa pagsusulong ng mga programa na tutulong sa investors at micro, small and medium enterprises at pahusayin ang mga kasanayan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng mga angkop na pagsasanay,amlinsunod sa Philippine Development Plan 2023-2028, Philippine Labor and Employment Plan 2023-2028 at ang Trabaho Para sa Bayan Act.
Malawakan ding ipinatutupad ng mga rehiyonal na tanggapan ng DOLE ang mga programa ng youth employability tulad ng Speacla Program for Employment of Students (SPES), Government Internship Program (GIP) at JobStart Philippines.
Binanggit ni Laguesma na bahagi ng tulong na ibinibigay ng DOLE ay mga programa para sa mga gustong makipagsapalaran sa mga negosyong makakatulong sa kanilang mga pamilya at komunidad.
“That’s why we invite everyone to register on our PhilJobNet (https://philjobnet.gov.ph) or you can go to the nearest Public Employment Service Office or PESO in your localities for important and useful information about job vacancies located near your area,” sabi ni Laguesma. Jocelyn Tabangcura-Domenden