MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Senado nitong Lunes, Marso 4. sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na naglalayong ilipat ang pamumuno at pangangasiwa ng provincial at sub-provincial jails sa Bureau of Jail Management and Penology.
Ang Senate Bill 2352 o proposed Jail Integration Act ay inaprubahan na may 19 affirmative votes, zero negative votes, at zero abstention.
Sa kasalukuyan, ang lahat ng provincial at sub-provincial jails ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng local government units.
Sa ilalim ng panukala, ang mga kagamitan, ari-arian at pananalapi ng bawat local jail ay ililipat din sa BJMP.
Mayroong three-year transition period ang panukala para sa “orderly transfer and management and operation” ng mga lokal na piitan.
Sa nasabing panahon, patuloy na popondohan ng provincial governments ang subsistence allowance ng persons deprived of liberty at maintenance ng jail facilities, kabilang ang kuryente, tubig at kinakailangang repair.
Ang mga empleyado at tauhan ng provincial at sub-provincial jails ay awtomatikong mapupunta sa BJMP na naaayon sa kwalipikason na itinakda sa ilalim ng Republic Act 9263.
Ang mga nagnanais naman na magbitiw sa serbisyo dahil sa paglipat sa pamumuno ng BJMP ay makatatanggap ng separation benefits at ang mga kwalipikadong magretiro ay papayagan din.
Si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang principal sponsor ng panukala, ay sinabing ang pag-apruba rito ay magbebenepisyo sa mga lokal na piitan dahil ang BJMP ay nagpapatupad ng national programs at expertise na world-class standards.
Mababawasan din ang responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan.
“Correction and reformation take a great deal of time and expertise. As such, they should be delegated to agencies whose primary function has always been the rehabilitation of Persons Deprived of Liberty or PDLs,” ani Dela Rosa.
“When there is a unified, integrated way of dealing with PDLs, then we can also set a unified and integrated vision for them. This somehow gives them the message: the entire government is looking after you,” dagdag pa niya.
Si Dela Rosa kasama sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Majority Leader Joel Villanueva, Senator Ramon Revilla Jr., at Senator Joseph Victor Ejercito ay pinangalanang may-akda ng proposed Jail Integration Act. RNT/JGC