ILOCOS SUR-Sugatan ang isang Jail Officer matapos na mabangga nito ang isang asong-gala na biglang tumakbo patawid ng kalsada sa Brgy. Pantay Fatima, Vigan City ng lalawigang ito kagabi, Agosto 13.
Kinilala ng Vigan City Police Station ang biktima na si Jail Officer 1 Jimmy Rasco Quemado, 28, walang asawa, residente ng Brgy. Callaguip, Caoayan, Ilocos Sur, BJMP member, nakatalaga sa Candon City Jail.
Nakasakay ng Yamaha Sniper, ang biktima ay patungong hilagang direksyon sa barangay road ng naturang lugar para magpunta sa kanyang duty nang biglang tumakbo papunta sa gitna ng kalsada ang isang asong-gala kaya nabangga ito ng biktima.
Resulta nito, nawalan ng kontrol sa manibela ang biktima hanggang sa sumemplang sa kalsada ang kanyang motorsiklo.
Ang biktima ay isinugod sa Ilocos Sur Provincial Hospital-Gabriela Silang sa Tamag, Vigan City, Ilocos Sur ng mga rumespondeng CDRRMO personnel. Rolando S. Gamoso