MANILA, Philippines – INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) na magtayo ng mas maraming soil testing centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa para tulungan ang mga magsasaka na itaas ang kanilang ‘productivity.’
Ikinalungkot kasi ng Pangulo ang kakapusan sa soil testing centers sa isinagawang pagpupulong sa Malakanyang ng mga opisyal ng DA.
“Kulang na kulang tayo sa soil analysis. We cannot tell the farmers how much fertilizers to use. We cannot give them any advice because we don’t know ourselves what the condition of the soil is,” ang sinabi ni Pangulong Marcos, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay matapos na irekumenda ng DA na magsagawa ng soil mapping at agricultural liming, sa simula ay sa Luzon areas bilang bahagi ng programa para palawigin ang sugar industry.
“That (soil mapping) actually applies to all crops,” ayon sa Chief Executive.
Winika pa nito na dapat ay mayroon kahit isang soil testing center para sa bawat rehiyon para gabayan ang mga magsasaka ukol sa mga pananim na akma sa kanilang lupain.
Sinabi ng DA na may “restructuring efforts” na isinasagawa na para makatulong na itaas ang bilang ng soil testing centers ng gobyerno.
“The agency is eyeing to have a total of 12 facilities by next year,” ayon sa PCO. Kris Jose