Bulacan – Kalunos-lunos ang sinapit ng sanggol nang abandonahin ng kanyang mga magulang matapos iluwal sa Bulacan Medical Center (BMC) sa lungsod ng Malolos.
Kinilala ang mga magulang na sina Cherry at Arthur kapwa residente ng Brgy. Longos, Balagtas habang ang iniwang sanggol ay pawang babae.
Sa impormasyong nakalap, sa tulong ng mister, na-admit kamakailan ang ina sa BMC na naging normal ang kanyang panganganak kaya na-discharge at nanatili ang sanggol para sa patuloy na pangangalaga.
Nalamang huling dumalaw ang ina nitong Hulyo 22 taong kasalukuyan sa kanyang anak at simula noon ay hindi na muling nagpakita sa ospital.
Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang kinauukulan sa lokal na pamahalaan subalit hindi na nakita ang mag-asawa sa address na kanilang ibinigay.
Sinasabing kasalukuyang nasa DSWD ang sanggol para sa kaukulang pangangalaga na posibleng dalhin sa isang ampunan.
Sinusulat ito, may impormasyong namataan ang mga magulang ng sanggol na kapwa naninirahan at namamalimos sa Brgy. Borol 2nd. Dick Mirasol III