Home NATIONWIDE Pagtatalaga sa Maasin Cathedral bilang nat’l shrine, pinangunahan ni Advincula

Pagtatalaga sa Maasin Cathedral bilang nat’l shrine, pinangunahan ni Advincula

MANILA, Philippines – Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Cardinal Jose Advincula ang pagtatalaga sa Maasin Cathedral na national shrine.

Sa ginanap na pagtatalaga sa National Shrine and Parish of Our Lady of the Assumption o Maasin Cathedral nitong Agosto 14, 2024 sa Leyte, ipinaalala ng Cardinal sa mga mananampalataya na isabuhay ang katangiang ipinamalas ni Hesus upang kamtin ang kabanalan.

Sinabi ni Cardinal Advincula na tulad ng Mahal na Birheng Maria na isinasabuhay ang mga salita ng Diyos ay gawing huwaran ng mananampalatayang dadalaw sa national shrine ang mga gawi ng Mahal na Ina na gagabay tungo sa landas ni Hesus.

Tulad ng pangako ni Hesus sa pagtanggap ng sakramento sa binyag ng bawat isa ay nakikibahagi sa pangakong kaligtasan at buhay na walang hanggan.

Ayon sa Cardinal, ang pagkatalagang national shrine ng Maasin Cathedral ay hindi nakabatay sa taglay na pisikal na anyo ng gusali kundi sa kabanalang hatid bilang dambana ng Panginoon.

Pinangunahan ni Cardinal Advincula ang pagtalaga sa ika-30 national shrine ng Pilipinas at kauna-unahan naman sa Eastern Visayas region.

Bukod sa daan-daang deboto at mananampalataya ng Diocese of Maasin, saksi rin sa makasaysayang pagdiriwang sa Leyte sina Maasin Bishop Precioso Cantillas, Calbayog Bishop Isabelo Abarquez, Bacolod Bishop Patricio Buzon, Catarman Administrator, Antipolo Auxiliary Bishop Nolly Buco, Cebu Auxiliary Bishop Ruben Labajo, Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias, mga kinatawan ng Association of Catholic Shrines and Pilgrimages of the Philippines sa pangunguna ni International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage Rector Fr. Reynante Tolentino at iba pang bisitang pari.

Matatandaang noong Hulyo sa ginanap na plenary assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa Cagayan De Oro City ay inaprubahan ng mga Obispo ang pagiging national shrine ng Maasin Cathedral at ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Mercy ng Diocese of Novaliches. Jocelyn Tabangcura-Domenden