MANILA, Philippines – Aalamin ng Commission on Elections (Comelec) kung ano ang implikasyon sa desisyon ng Korte Suprema sa panukalang batas na nag-oobliga sa mga kandidato na sumailalim sa mandatory drug testing.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na mayroon na dating submission ng certificate na hindi adik ang isang kandidato subalit idineklara ito ng Supreme Court na unconstitutional.
Ang pahayag ni Garcia ay kasunod ng panukalang batas ni Davao City First District Rep. Paolo Duterte na isama ng Comelec sa requirement ang mandatory drug testing sa lahat ng kandidato.
“Kung natatandaan natin, nag-require dati several years ago ang Comelec –ng submission ng certificate na hindi adik ang kandidato, ito po ay idineklara na unconstitutional ng Supreme Court,” sabi ni Garcia.
Ayon kay Garcia, sinabi ng Korte Suprema sa social justice society versus Comelec– na walang kapangyarihan ang Comelec na magdagdag ng requirements at wala rin ito sa konstitusyon.
Sinabi ni Garcia na napakaganda ang panukala ngunit wala aniyang makakapigil sa isang kandidato kung siya ay gustong makapaglingkod sa sambayanan at maging transparent na maglagay sa kanyang certificate of candidacy na hindi siya adik.
Hindi man aniya ito mandatory o obligatory ay walang makakapigil kung gusto ng isang kandidato na magpatunay na hindi adik sa kanyang COC.
Sa kabila nito, titignan pa rin ng Comelec kung mayroong batas na mag-oobliga ngayon–kung ang desisyon ay babangga sa probisyon ng Saligang Batas. Jocelyn Tabangcura-Domenden