KAPUWA nagpahayag ng kani-kanilang pagkabahala ang Japan at Australia sa tumitinding panganib at puwersahang aktibidad ng Tsina sa Pilipinas sa South China Sea (SCS).
Ito ang mababasa sa isang kalatas na ipinalabas matapos ang 2+2 ministerial meeting sa pagitan nina Australian Foreign Minister Penny Wong, Japanese Foreign Minister Kamikawa Yoko, Australian Defense Minister, Deputy Prime Minister Richard Marles, at kanyang counterpart na si Japanese Defense Minister Kihara Minoru sa Victoria, Australia noong Setyembre 5.
“We expressed serious concerns over recent developments in the South China Sea, including an intensification of China’s dangerous and coercive activities towards the Philippines, which have occurred with high frequency,” ang sinabi ng apat na ministro.
“We opposed any coercive actions that could escalate tensions and undermine regional stability, including the militarisation of disputed features.”ayon pa rin sa kanila.
Muli namang inulit ng mga ito ang kahalagahan ng “freedom of navigation and overflight” at mapayapang resolusyon sa pinagtatalunang katubigan. At pinagtibay na ang 2016 South China Sea Arbitral Tribunal Award ay “final and legally” na nagbubuklod sa dalawang partido.
Sa nasabing pulong, napagpasyahan ng dalawang estado na palawigin ang security cooperation “to include all tools of statecraft to help prevent conflict and maintain peace and stability in the Indo-Pacific.”
Winika pa ng mga ito na makikipagtulungan sila sa Southeast Asian nations “to improve regional economic, security and climate resilience to security challenges.”
Samantala, kinumpirma rin nila ang patuloy na suporta sa Philippine Coast Guard (PCG) bilang bahagi ng kanilang pinalawak na pagsisikap na paghusayin ang civil maritime cooperation sa kanilang mga kaanib o katuwang sa rehiyon. Kris Jose