Home NATIONWIDE Japan PM Ishiba nagdesisyon nang magbitiw sa pwesto

Japan PM Ishiba nagdesisyon nang magbitiw sa pwesto

220
0

JAPAN – Nagpasya nang magbitiw si Japan Prime Minister Shigeru Ishiba, iniulat ng local media nitong Linggo, Setyembre 7, kasabay ng panawagan ng mga kasapi ng kanyang partidong Liberal Democratic Party (LDP) para sa bagong leadership race matapos ang matinding pagkatalo sa upper house elections.

Nagbitiw si Ishiba makalipas lamang ang halos isang taon mula nang siya’y maupo bilang pinuno ng matagal nang dominanteng LDP. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nawalan ng mayorya ang partido sa parehong kapulungan ng parliamento.

Ayon sa NHK, nagdesisyon si Ishiba upang maiwasan ang pagkakawatak-watak ng partido. Samantala, iniulat ng Asahi Shimbun na hindi na nito kinaya ang lumalakas na panawagan para siya’y magbitiw.

Isang dating prime minister at ang farm minister umano ang nakipagpulong kay Ishiba noong Sabado ng gabi upang hikayatin siyang magbitiw nang kusa.

Noong nakaraang linggo, apat na senior LDP officials kabilang si Hiroshi Moriyama, ang ikalawang pinakamataas sa partido, ang nag-alok ng kanilang pagbibitiw.

Matagal nang nananawagan ang mga kritiko ni Ishiba na akuin niya ang responsibilidad sa pagkatalo sa halalan noong Hulyo.

Inaasahang magsusumite ang mga mambabatas at regional officials ng LDP ng pormal na kahilingan para sa leadership election sa Lunes.

Magtutuloy ang leadership race kapag nakalap ang kinakailangang mayorya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here