Home NATIONWIDE Japan tourist visa libre – embahada

Japan tourist visa libre – embahada

MANILA, Philippines- Hindi magbabayad ang mga biyaherong balak bumisita sa Japan gamit ang tourist visa, multiple o single entry man, ng visa fee maliban para sa center usage fees at iba pang karagdagang serbisyo na ia-avail nila kapag nagbukas na ang bagong visa center ng Japan.

Inihayag ito ng Embahada ng Japan sa Pilipinas nitong Miyerkules sa pag-anunsyo nito ng pagbubukas ng limang VFS Global-managed visa application centers sa April 7.

“We do not impose any fee for visa, at least for tourism visa,” paglilinaw ng embahada nitong Miyerkules.

“But, of course travel agencies or visa centers have to do their own jobs and also have to manage to streamline thousands of visas a day— so, therefore, they do have a fee of their own,” dagdag nito.

Maliban sa tourist visas, nilinaw ng embahada na may bayad ang ibang uri ng visa, kabilang ang mga visa na saklaw ang long-term stays.

Bubuksan ng embahada ang limang JVACs sa Cebu City, Davao City, Makati City, Parañaque City at Quezon City.

Para sa tourist visa applicants, nag-abiso ang embahada na magsumite agad ng aplikasyon kahit malayo pa ang kanilang biyahe. RNT/SA