Home NATIONWIDE Jay Ruiz, nasa proseso ng pag-alis ng shares mula sa co-founded firm...

Jay Ruiz, nasa proseso ng pag-alis ng shares mula sa co-founded firm — Malakanyang

MANILA, Philippines – NASA proseso na si Presidential Communications Office Ad Interim Secretary Jay Ruiz na i-divest o alisin ang kanyang interest at shares sa kanyang kompanya.

Ito ang tugon ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro nang tanungin hinggil sa may isang media company na co-founded ni Ruiz ang di umano’y nakasungkit ng P206.052 milyong halaga ng kontrata mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa last quarter ng 2024, ilang buwan bago pa siya italaga sa PCO.

Sa ilalim aniya ng batas, si Ruiz ay mayroong 60 days para i- divest o alisin ang kanyang shares o interests.

”Ang batas naman po natin ay allowed po mag-divest ng shares o interest sa anumang kumpanya na pagaari niya within 60 days from the time na nagassume ng position so ‘yan po ay parating na po at alam naman po niya ang batas at lahat naman po ng gagawin natin dito ay dapat naaayon sa batas,”ayon ay Ruiz.

”Sa pagkakaalam ko ay in the process na po dahil pineprepare na po niya ang kanyang mga papers regarding [that],” dagdag na wika nito.

Sa ulat, opisyal nang nanumpa sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Veteran journalist na si Jay Ruiz bilang bagong Kalihim ng Presidential Communications Office (PCO).

Pinalitan ni Ruiz si dating PCO Acting Secretary Cesar Chavez na nagbitiw sa tungkulin matapos aminin na nagkulang siya sa kung ano ang dapat asahan sa kanya.

Nagsumite si Chavez ng kanyang irrevocable resignation kay Pangulong Marcos Jr. noong nakaraang Pebrero 5, 2025.

Samantala, sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag, nangako naman si Ruiz na lalabanan ang disinformation at ipalalaganap sa publiko ang mga proyekto ng administrasyong Marcos.

Samantala, itinalaga at nanumpa naman si Atty. Claire Castro bilang  Undersecretary ng PCO na may karagdagang tungkulin bilang  Palace Press Officer. Kris Jose