MUNTINLUPA, Philippines – Sinimulan nang ihatid ng mga jeep ang mga estudyante ng mga pampublikong paaralan sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) Reservation sa Muntinlupa ngayong Lunes, Agosto 11. 2025.
Pinayagan ang mga public utility vehicle (PUV) na makapasok sa compound ng NBP sa Barangay Poblacion sa isang kasunduan ng Bureau of Corrections (BuCor), na nangangasiwa sa NBP, at ng pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa.
Sa ilalim ng kasunduan, pinayagan ng BuCor ang mga PUV na pumasok sa loob ng NBP mula alas-4 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi. May mga nakatalagang pick-up at drop-off points para sa mga jeepney sa loob ng reservation. Ang mga driver ay dapat ding magkaroon ng maayos na kasuotan.
Libu-libong estudyante mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa (PLMun) at Muntinlupa National High School (MNHS) ang naapektuhan nang isara ang gate ng South Greenheights Subdivision. Ang gate ay isang alternatibong daan para sa mga estudyante.
Bago ito, ang mga estudyante ay kailangang bumaba sa main gate ng NBP at sumakay ng tricycle papuntang PLMUN o MNHS.
Ilang taon na ang nakalilipas, pinayagan ang mga jeepney na bumyahe sa loob ng NBP para maghatid ng mga estudyante at residente. RNT/MND