MANILA, Philippines – Bibigyan ng isa pang pagkakataon ang unconsolidated jeepney operators para lumahok sa Public Transport Modernization Program (PTMP) ng pamahalaan, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board nitong Biyernes, Setyembre 20.
Sa panayam, sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na nakatakdang maglabas ng resolusyon ang ahensya na muling magbubukas ng consolidation application process para sa mga bigong makahabol sa dating deadline.
Ito ay kasunod ng pagpupulong nina Guadiz, at iba pang transportation officials kasama si Senate President Francis Escudero, isa sa mga senador na nananawagan ng suspension ng PTMP hanggang sa matugunan ang lahat ng mga pangamba ng stakeholders.
“Ang apprehension (ng senators) is yung mga maiiwanan sa programa, kawawa naman sila, wala silang pang-hanapbuhay. Pero ang naging concession is bubuksan namin ulit… They cannot form a cooperative but they will be asked to join existing cooperatives,” ani Guadiz.
“With this suggestion, and sumang-ayon naman po kami, I don’t think may dahilan pa ang senado para suspendihin po yung programa,” dagdag pa niya.
Ayon sa opisyal, ikinokonsidera ng LTFRB ang pagbibigay ng 60 pang araw sa unconsolidated operators para mag-comply.
Hinimok niyang sulitin ang pagkakataong ito sa halip na magpatuloy sa kanilang pagpoprotesta.
“Pag hindi ka sumama sa programa ng gobyerno for industry consolidation, you will not be able to avail of the other programs. Yung sa libreng sakay o service contracting… hindi ka rin makakakuha ng ayuda para sa fuel subsidy,” ani Guadiz.
Matatandaan na inanunsyo ng transport groups na Piston at Manibela ang kanilang dalawang araw na tigil-pasada simula sa Lunes, Setyembre 23.
“Itong gaganapin na tigil-pasada, pararamdam talaga natin sa kanila na hindi kami natitinag. Hindi kami nawawalan ng pag-asa dahil kabuhayan at kalam ng sikmura ng aming mga pamilya ang pinaglalaban namin dito,” ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena.
“Payagan tayong ibalik sa limang taon ang ating prangkisa, payagan tayong makapagrehistro, payagan tayong makapagserbisyo sa mga mamamayan,” sinabi naman ni Piston National President Mody Floranda.
Inaasahang lalahok ang nasa 90,000 tsuper sa nationwide transport strike. RNT/JGC