Home HOME BANNER STORY 24 patay, P600M agri damage naitala sa bagyong Ferdie, Gener at Helen

24 patay, P600M agri damage naitala sa bagyong Ferdie, Gener at Helen

MANILA, Philippines – Umakyat na sa 24 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pinagsama-samang epekto ng Bagyong Ferdie, Gener at Helen, kasabay ng southwest monsoon o Habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes, Setyembre 20.

Sa pinakahuling bulletin, sinabi ng NDRRMC na siyam sa mga nasawi ay mula sa Mimaropa; lima sa Western Visayas; at tig-apat sa Zamboanga Peninsula at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM); at dalawa sa Central Visayas.

Idinagdag pa ng ahensya na mayroong 12 katao ang nawawala sa MIMAROPA, at dalawa sa Zamboanga Peninsula, habang 13 indibidwal ang nasaktan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Idineklara rin ang state of calamity sa San Enrique, Negros Occidental at Pandan sa Antique.

Ayon sa NDRRMC, 1,303,677 katao o 356,578 pamilya ang apektado ng mga sama ng panahon.

Nagresulta rin ang epekto ng habagat at bagyong Ferdie ng P600.83 milyong halaga ng pinsala sa agrikultura ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sa bulletin na inilabas Biyernes ng hapon, apektado ng kalamidad ang kabuhayan ng 11,170 magsasaka, 27,427 metric tons ng agricultural produce at 11,696 ektarya ng taniman.

Pinaka-napuruhan ang bigas sa overall losses na 93.66 percent o P562.75 million. Sinundan ito ng mais sa 3.17 percent o P19.04 million, at ang nalalabing 3.17 percent ay dahil high-value crops (P18.22 million) katulad ng lowland vegetables, root crops at mga saging, maging ang livestock (P819,200) kabilang ang manok, baboy, baka, kalabaw at kambing. RNT/JGC