Home NATIONWIDE Jewelry shop sa Cavite nilooban; P25M alahas, pera natangay

Jewelry shop sa Cavite nilooban; P25M alahas, pera natangay

1
0

MANILA, Philippines – Nasa mahigit-kumulang P25 milyon na mga alahas at pera ang natangay ng pitong (7) kalalakihan makaraang pasukin at limasin ang laman ng isang jewelry pawn shop sa Brgy. San Gabriel, General Mariano Alvarez, Cavite.

Ayon sa report, dakong alas-9:00 ng umaga at kabubukas pa lamang ng nasabing jewelry pawnshop nang pumasok ang pitong armadong kalalakihan.

Base sa ulat, nakunan pa sa CCTV ang mga suspek na armado ng maiikling baril habang nakatutok sa isang empleyado rito.

Sa kuha ng CCTV sa nasabing establisimyento, isang lalaki ang unang pumasok sa loob at nagpanggap na customer. Tumingin-tingin umano ito ng mga alahas na nasa estante.

Ilang sandali lang ay binuksan ng isa sa mga suspek ang glass door ng pawnshop at tinawag ang iba pang mga kasama hanggang sa nagdeklara ito ng holdap.

Dalawa sa mga suspek ang agad na nanutok ng baril sa mga teller habang isa-isang nilimas ang mga alahas na nakadisplay.

Tinangay din ng mga suspek ang pera na nagkakahalaga ng mahigit sa P1 milyong piso.

Makalipas ang ilang minuto, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo.

Sa kabuuan, umabot sa mahigit-kumulang P25 milyong piso ang natangay ng mga suspek.

Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek at sa posibleng kinaroroonan ng mga ito. Margie Bautista

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here