Home NATIONWIDE Jinggoy, humiling mailipat sa PNP Custodial Center

Jinggoy, humiling mailipat sa PNP Custodial Center

63
0

MANILA, Philippines – Humiling si Sen. Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan Fifth Division na ilipat siya sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame habang dinidinig ang kanyang kasong plunder.

Ayon sa rekord ng korte, naghain si Estrada ng motion to transfer detention facility noong Hunyo 2. Noong Hunyo 1 naman, naghain din siya ng urgent motion upang maitakda ang halaga ng piyansa na maaari niyang iposte habang nagpapatuloy ang kaso.

Inaasahang tatalakayin ng Fifth Division, sa ilalim ni Associate Justice Zaldy Trespeses, ang mga mosyon sa Huwebes. Kasabay nito ang nakatakdang arraignment ni Estrada, dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, at iba pang dating opisyal ng DPWH-NCR.

Hindi pa umano natatanggap ng prosekusyon ang kopya ng mosyon.

Nauna nang humiling ng kahalintulad na paglilipat si dating senador Ramon Revilla Jr. dahil sa umano’y isyu sa seguridad sa Quezon City Jail sa Payatas, kung saan nakakulong din si Estrada mula noong Lunes. Gayunman, tinanggihan ito ng Sandiganbayan Third Division matapos magsagawa ng inspeksyon sa pasilidad.

Ayon kay Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion, ligtas ang pasilidad, hindi ito overcrowded, at may sapat na seguridad para sa mga high-profile detainees.

Isinaalang-alang din ng korte ang liham ni PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr. noong Enero 6, kung saan hiniling niyang limitahan ang paglilipat ng mga detenido sa PNP Custodial Center dahil sa kakulangan ng pondo at tauhan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here