Home NATIONWIDE Jinggoy tinawag na bully ng empleyado ng San Juan City Hall

Jinggoy tinawag na bully ng empleyado ng San Juan City Hall

173
0

MANILA, Philippines – Tinawag ng San Juan City Hall employee na si Pia Gil si Senador Jinggoy Estrada bilang “bully” habang binabalikan ang tensyonadong engkwentro ng dalawa.

Si Gil ay nagsisilbing supervising and administrative officer sa ilalim ng Office of the Mayor, na siyang nasa viral video na nagkakaroon ng komprontasyon kasama si Estrada.

“Kahit saan mo tignan, bastos ‘yung ginawa niya sa ‘kin, bully eh,” pahayag ni Gil sa panayam ng ABSCBN News.

Aniya, nangyari ang insidente noong Abril 18 sa labas ng San Juan Gym evacuation center kung saan bigla na lamang umano siyang tinawag ni Estrada sa hindi malamang dahilan.

“Basta nakatalikod ako then sumigaw siya sakin ng ‘Hoy, Pia Gil!’ gumanun siya ng talagang sigaw, todo. So ako tinignan ko lang siya pero naglakad ako pa rin palayo kasi ayaw ko ng encounter with him, kasi nga alam ko bully siya,” kwento ni Gil.

Naalala pa niya kung gaano siya katakot nang mga panahong iyon lalo na sa background ni Estrada at sa presensya ng ilang lalaking kasama ng senador.

Ani Gil, inakusahan umano siya ni Estrada na hinaharangan ang staff nitong makapasok sa evacuation center.

“Inaakusahan niya ako na kesyo hinaharang ko siya hinaharang ko raw mga to niya. Unang-una I was never inside the evacuation center hindi yun trabaho ko, trabaho ng CSWD yun,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag pa ni Gil na dumating si Estrada kasama ng ilang kalalakihan upang mangalap ng datos ng mga nasunugan na hindi naman maaaring maibibigay ng mga social worker dahil sa Data Privacy Act.

Aniya, dumating ang grupo ni Estrada alas-9 ng gabi na lampas na sa curfew ng center. Hindi rin ito nagpakita ng anumang identification o nakipag-ugnayan sa local government unit (LGU).

Sa mga oras na iyon ay inaabisuhan na ang mga bisita na umalis.

“As a senator he should know that hindi yung para siyang siga…nalaman ko lang yung insidente before nung encounter namin na pinagsisigawan nya yung mga staff doon.”

“Nung pumasok siya dun wala rin siyang consideration sa privacy ng mga tao… yung kapatid nga niya na senador gumawa ng sulat sa LGU nakipacooordinate properly sa office. hindi yung magpapapunta ka ng kung sino sino sa evacuation center manghihingi ka ng data ng wala kang proof na tao niya yun,” dagdag pa niya.

Itinanggi ni Gil na mayroong anumang political motivation sa likod ng viral video.

“Kung kami ang nagvideo nun di sana inilabas na namin yung kainitan ng nangyari. Marami pa rin silang supporters dun kaya matapang sila,” aniya.

Nitong Biyernes ay naglabas ng pahayag si Estrada kaugnay sa viral video at nagsabing pinigilan umano ng mga opisyal ang kanyang mga staff na makipag-ugnayan para sa kanyang tulong sa mga nasunugan.

Dito na siya personal na humarap para resolbahin ang isyu. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here