MANILA, Philippines – Kahit walang katiyakan sa impormasyon, inihayag ni Senador Imee Marcos na nakatakdang sampahan ng kasong kriminal kina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, kabilang si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.
Binanggit sina Estrada at Villanueva na kumite sa flood control projects sa lalawigan ng Bulacan sa ginanap na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senate President Pro-Tempore Panfilo “Ping” Lacson.
Naunang inihayag ng Department of Justice (DOJ), dating pinamumunuan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, na respondent sa nilulutong kaso sina Estrada at Villanueva hinggil sa ghost project sa flood control program.
“Ang balita, January 15 ang charges against certain senators will be filed. I understand they have already drafted against Sen. Jinggoy, Sen. Joel and former Senator Bong,” ani Marcos sa isang interview.
“Alam ko na pinagmamalaki na kumpleto na daw yung ebidensiya at puwede na daw i-file,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, ibinasura naman ni Remulla ang haka-hakang nakalap ni Marcos hinggil sa kasong isasampa kina Estrada, Villanueva, at Revilla, sa pagsasabing hindi niya nalalaman kung saan nanggaling ang impormasyon.
“Buti siya alam niya, ako di ko alam ‘yon… ewan ko kung saan nanggagaling ‘yon,” ani Remulla.
Naunang sinabi din ni Marcos na walang direktang ebidensiya na nag-uugnay kina Senador Francis Escudero at Mark Villar, at dating Senador Nancy Binay at Grace Poe sa “ghost” at substandard flood control projects.
Mahigpit na pinabulaanan ng nabanggit ang akusasyon na naghudyat upang magsagawa ng malawakang protesta ang maraming sektor, kabilang ang kabataan at estudyante, laban sa flood control corruption, at hiniling na panagutin at ikulong ang lahat ng sangkot.
“Bakit naman ganito lahat ng senador? Akala ko yung flood control ang pinagmulan, eh doon sa Kongreso at sa Speaker’s office?” ayon kay Marcos. Ernie Reyes