Home NATIONWIDE Joint drills ng PH, Australia, Japan, New Zealand, US umarangkada

Joint drills ng PH, Australia, Japan, New Zealand, US umarangkada

MANILA, Philippines- Nagsasagawa ang mga militar ng Pilipinas, Australia, Japan, New Zealand at ng United States ng joint maritime drills sa Philippines Exclusive Economic Zone ngayong Sabado, ayon kay Gen. Rome Brawner Jr., pinuno ng Armed Forces of the Philippines.

Sinabi ni Brawner na kasali sa Maritime Cooperative Activity ang naval at air force units ng mga kalahok na bansa at “demonstrates a collective commitment to strengthen regional and international cooperation in support of a free and open Indo-Pacific.”

Hindi nagbigay ng detalye ang AFP chief hinggil sa mga kalahok na unit, subalit sinabi ng Australian defense ministry na kasali sa pagsasanay ang HMAS Sydney at Royal Australian Air Force P-8A Poseidon maritime patrol aircraft, “enhancing cooperation and interoperability between our armed forces.”

Pinaiigting ng Pilipinas ang training engagements nito kasama ang foreign partners ang pinahuhusay ang defense agreements sa kanila.

Ito ay sa patuloy na pagbalewala ng China sa 2016 arbitral ruling na bumabasura sa claims nito sa South China Sea — bahagi nito ang West Philippine Sea — at isinisisi ang tensyon sa lugar sa Pilipinas at sa United States at iba pang Western nations.

Inihayag ng mga bansang nakikilahok sa multilateral “cooperative activity” ang pagkabahala sa mga aksyon ng China sa West Philippine Sea, kabilang ang paggamit ng water cannons, “aggressive maneuvers,” at pagbangga sa Philippine Coast Guard ships. RNT/SA