MANILA, Philippines – Sinabi ni Ukrainian Ambassador to the Philippines Yuliia Fediv ang plano ng kanyang bansa na mag-co-produce ng drones sa Pilipinas habang pinaiigting ng dalawang bansa ang kanilang defense ties.
Inihayag ito ni Fediv sa isang Special Forum on the Ukraine–Philippines Landscape na hinost ng Chamber of Commerce of the Philippine Islands (CCPI) na isinagawa sa makasaysayang Chamber Building sa Intramuros, Manila.
Tinuran pa ni Fediv na ang co-production ng drones ay maaaring magsimula matapos nilang lagdaan ang defense agreement “hopefully” sa darating na Oktubre ng taong kasalukuyan.
“Then, we can move forward with co-production. Ukrainian government now is developing different models and proposals for countries all over the world, how we can co-produce and how we can exchange our knowledge and technologies,” aniya.
“As Philippines, as I mentioned several times, you are our reliable partner in the region. That’s why we are open to share with you all we have and all lessons learned, good and bad lessons learned,” dagdag pa niya.
Subalit bago pa ito, binigyang-diin ni Fediv ang kahalagahan ng defense agreement na lalagdaan dahil makalilikha ito ng legal framework para sa partnership sa co-production ng drones.
Ibinahagi rin niya na ang Ministry of Defense of Ukraine ay nakapag-draft na ng Memorandum of Understanding (MOU) na ipinadala sa Department of National Defense (DND).
“So now we’re waiting for answer and hopefully, as I already mentioned, in October we will have high-level delegation coming from Ukraine,” wika ni Fediv, kasama rin ang mga kinatawan mula sa iba pang Ministry of Defense.
Sinabi pa ni Fediv na bukas ang Ukraine na makipagtulungan ukol sa information technology (IT), paglaban sa disinformation, at palitan ng kaalaman hinggil sa cybersecurity.
Nauna rito, ipinagdiwang ng Ukrainian Embassy sa Maynila ang Ukraine’s National Day Celebration—ang kauna-unahang pagkakataon na ginawa ito sa bansa.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Fediv ang suporta ng Ukraine para sa Pilipinas na hangad makakuha ng United Nations Security Council non-permanent seat para sa 2027–2028. Pinagpasalamatan din niya ang Maynila para sa suporta nito sa kandidatura ng Ukraine sa UNESCO Executive Board at sa United Nations Economic and Social Council para sa 2026–2028.
Samantala, si Ukrainian Ambassador to the Philippines Yuliia Fediv ang guest of honor at speaker sa Ukraine–Philippines Landscape Forum na idinaos sa Intramuros, Manila, noong Sabado, Agosto 30, 2025. Kris Jose