Home ENTERTAINMENT Jojo Mendrez, binigyang-buhay ang ‘Yakap’!

Jojo Mendrez, binigyang-buhay ang ‘Yakap’!

82
0
Screenshot

Manila, Philippines – Ang kilalang OPM artist na si Jojo Mendrez, na mas kilala bilang “The Revival King,” ay muling nagbigay-buhay sa minahal na klasikong awitin na “Yakap” na unang pinasikat ni Junior noong 1979.

Sa kanyang natatanging estilo at lalim ng emosyon, naibigay ni Mendrez ang isang makabagong interpretasyon na muling magpapakilala sa walang kupas na awitin sa bagong henerasyon ng mga tagapakinig.

“Ito ay isang dream song para sa akin,” pahayag ni Mendrez.

“Pinili ng Star Music ang kantang ito sa isa sa aming mga meeting at sinabing bagay na bagay ito sa akin. Ipinahayag ko rin ang kagustuhan kong si Jonathan Manalo ang mag-arrange nito—at natupad nila iyon.”

Tunay sa kanyang titulo, nakabuo si Mendrez ng matibay na reputasyon sa pagbibigay-buhay muli sa mga iconic at OPM hits.

Kabilang sa kanyang mga nagmarkang remake ang “Tuyo Na’ng Damdamin” ng Apo Hiking Society, na isa sa mga una niyang ni-revive at naitanghal pa sa Eat Bulaga.

Nagbigay din siya ng bagong bihis sa iba pang mga klasikong awitin tulad ng “Magkabilang Mundo” (orihinal ni Jireh Lim), “Sana,” at “Handog” ni Florante—kung saan ang huli ay nagkamit ng parangal bilang Revival Song of the Year sa ika-11 Star Awards for Music ng PMPC.

Ang kanyang hindi malilimutang bersyon ng “Somewhere in My Past,” na unang inawit ni Julie Vega at kinatha ni Mon del Rosario ay nananatiling isa sa kanyang pinakatampok na performance, na nag-viral at umabot sa mahigit 50 milyong views sa social media.

Pinalawak pa ni Mendrez ang kanyang repertoire sa pamamagitan ng pag-revive ng international hit na “Valentine” ni Jim Brickman.

After ng Yakap, ang susunod na ilalabas ni Jojo ay isa pang remake na “Boy,” na orihinal na inawit ni Timmy Cruz na komposisyon din ni Mon del Rosario.

Bukod sa mga revival, patuloy ding gumagawa si Mendrez ng mga orihinal na kanta.

Kabilang sa kanyang mga nailabas ang “Basta Ikaw,” na kinatha at inayos ng yumaong Andrei Dionisio, pati na rin ang “Diwa ng Pasko,” “Kahit Sandali,” at “Mula Nang Mawala’y Sayo.” Siya rin ang sumulat ng “Minahal Kita,” na tampok sa kanyang debut album na “Inspirasyon,” na inilabas sa ilalim ng Ivory Records.

Ipinahayag din ni Mendrez ang kanyang pasasalamat sa Star Music sa pagsuporta sa kanyang mga orihinal na awitin, kabilang ang “Nandito Lang Ako” at ang kanyang hit na “Ngayong Pasko’y Ikaw Pa Rin,” na parehong isinulat ni Jonathan Manalo.

Ang “Yakap,” na inayos ni Tommy Katigbak, produced ni Jonathan Manalo, at ni-release sa ilalim ng Star Music, ay available na ngayon sa lahat ng pangunahing digital streaming platforms.

Bukod sa musika, nananatiling aktibo si Mendrez sa social media, kung saan siya ay kilala bilang “Super Jojo” dahil sa kanyang pagiging mapagbigay at patuloy na pagbabahagi ng biyaya sa kanyang mga tagahanga at tagasubaybay. Rommel Placente

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here