Home METRO Jones, Isabela idineklarang ‘insurgency free’ na

Jones, Isabela idineklarang ‘insurgency free’ na

JONES, ISABELA – Pinangunahan ni BGen. Eugene Mata, Brigade Commander ng 502nd Infantry Brigade, 5ID Philippine Army ang pagdedeklara bilang ‘Insurgency Free’ ang bayan ng Jones, Isabela na sinaksihan nina PCol. Julio Go, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, PMaj. Felixberto Lelina, hepe ng Jones Police Station at Mayor Nhel Montano ng naturang bayan.

Ayon kay Brigade Commander BGen. Mata, idineklara ang Jones, Isabela bilang ‘Insurgency Free’ municipality dahil wala nang namomonitor na presensya ng mga makakaliwang grupo o New People’s Army (NPA) sa nasabing lugar.

Pangatlo ito sa mga bayan na idineklarang malaya na mula sa mga rebeldeng grupo kung saan una itong nakamit ng bayan ng San Guillermo at Echague.

Sinabi pa ni BGen. Mata, malapit nang matapos ang presensya ng mga makakaliwang grupo sa rehiyon dos kung saan sa hilagang bahagi na lamang sa probinsya ng Cagayan ang may minomonitor na nalalabing kasapi ng NPA.

Ang bayan ng Jones ay kabilang sa bumubuo ng JESSA Complex kasama ang mga bayan ng Echague, San Agustin, San Guillermo, at Angadanan na matagal na pinamugaran at naging kanlungan ng mga NPA sa rehiyon.

Ang pagiging insurgeny-free ng Jones ay hindi magagawa lang ng mga sundalo at pulis kundi kasama ang LGU, DILG, NICA at iba pang ahensya ng gobyerno.

Samantala, target naman sa unang bahagi ng taong 2024 na maideklarang insurgency-free ang probinsya ng Nueva Vizcaya at Isabela. Rey Velasco