MANILA, Philippines – May mga bomb threat messages na ang kumalat isang gabi bago ang pagpapasabog sa Mindanao State University sa Marawi City, ayon sa Bangsamoro government.
“Mayroon ding nagci-circulate na text messages noong gabi ng Sabado na may gagawing pagpapasabog pero hindi naka-specify kung saan iyon,” pahayag ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) spokesperson Naguib Sinarimbo sa public briefing nitong Lunes, Disyembre 4.
“Ito kailangan talagang tignan maigi para mas makita kung saan talaga iyong pinanggalingan ng pambobomba na ito,” dagdag ni Sinarimbo.
Aniya, may mga ulat umanong ang Islamic State ang nasa likod ng pagpapasabog.
Biniberipika naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat na inako na ng Islamic State ang insidente.
Maliban sa Islamic State, sinabi ni AFP public affairs office chief Colonel Xerxes Trinidad na tinitignan din ng militar ang posibilidad na kaugnayan ng Dawlah Islamiyah-Maute Group sa pambobomba na kumitil sa buhay ng apat katao.
“The AFP is validating the claims made by ISIS in the recent news reports as well as the involvement of the DI-Maute Group in this heinous act of terror,” ani Trinidad sa mga mamamahayag.
Inaalam na din ng militar at pulisya ang bomb signature upang matukoy kung anong grupo ang responsable sa pagpapasabog.
“We have persons of interest and one of our persons of interest pointed on ‘yung local terrorist,” ani Bangsamoro Police Regional Office chief Police Brigadier General Allan Nobleza.
“Mayroon kaming persons of interest but the investigation is still ongoing. In order not to preempt the investigation we will not divulge the names,” dagdag pa ni Nobleza.
Matatandaan na apat ang nasawi at 45 ang nasaktan sa pagpapasabog sa gymnasium ng MSU – Marawi City habang ginaganap ang isang misa nitong Linggo ng umaga na dinaluhan ng mga estudyante at mga guro. RNT/JGC