OCCIDENTAL MINDORO, Philippines – Isang handwritten journal ang narekober matapos ang madugong engkwentro sa pagitan ng mga sundalo ng gobyerno at mga pinaghihinalaang New People’s Army (NPA) sa San Jose, Occidental Mindoro noong Marso 29, 2026, ayon sa Philippine Army’s 2nd Infantry Division (2ID).
Ayon sa 2ID, ang notebook ay umano’y pag-aari ni Charlize Cameron “Ka Kaye” Garzon, isang hinihinalang rebelde na nahuli sa operasyon sa Sitio Salafay, Barangay Monteclaro.
Sa parehong engkwentro, napatay si Captain Dean Buen Oyando habang dalawa pang sundalo ang nasugatan.
Sinabi ng 2ID na ang mga nakasulat sa journal ay naglalaman ng detalye tungkol sa operasyon, istruktura, at ideolohiya ng grupo, pati na mga personal na karanasan sa kabundukan.
“The entries recovered from the encounter site provide a clearer picture of involvement within the organization,” ayon kay 2ID spokesperson Col. Michael Aquino.
Ayon sa militar, may mga tala rin tungkol sa mga utos sa loob ng grupo, kabilang ang pag-deny ng involvement sakaling mahuli.
May bahagi rin ng journal na naglalarawan ng hirap sa kabundukan, pagkain, at unang karanasan umano ng may-akda sa paghawak ng armas, pati takot sa labanan at pagnanais umalis sa bundok.
Nakapaloob din ang mga sketch at mapa ng mga kampo, kabilang ang tulugan, kusina, at galaw ng mga yunit.
Ayon pa sa militar, nagpapakita rin ang journal ng proseso ng recruitment at mga obserbasyon tungkol sa kanilang gawain, kabilang ang panawagang “Kailangan natin pataasin ang rebolusyonaryong inisyatiba natin.”
“The notebook also contained sketches, including drawings of personal belongings and maps of temporary camps,” dagdag ng 2ID.
Naaresto si Garzon ilang metro mula sa pinangyarihan ng engkwentro at nahaharap sa kasong murder kaugnay ng insidente. Nabigyan din siya ng paunang lunas bago dinala sa kustodiya.
Samantala, iginiit ng ina ni Garzon na nilabag umano ng militar ang Data Privacy Act matapos ilabas ang mga larawan ng kanyang anak.
Tinutulan din ng pamilya at mga kaibigan ni Garzon ang alegasyong siya ay rebelde at iginiit na isa siyang “cultural worker” at aktibista.
Patuloy namang iniimbestigahan ang kaso habang hinihintay pa ang pahayag ng panig ng pamilya. RNT/MND