BEIRUT, Lebanon – Aabot sa 11 katao ang nasawi sa magkahiwalay na Israeli airstrike sa Lebanon noong Easter Sunday, ayon sa Lebanese health ministry.
Sa Kfarhata, isang nayon sa southern Lebanon, pitong katao ang napatay kabilang ang isang 4-anyos na bata. Ayon sa ulat, sumunod ang airstrike matapos maglabas ng evacuation order ang Israeli military na nag-uutos sa mga residente na lumikas.
Samantala, sa Jnah neighborhood sa Beirut, isa pang airstrike ang ikinamatay ng apat na katao at ikinasugat ng 39 iba pa.
Ayon sa health ministry, isa rin umanong sundalo ng Lebanon ang napatay sa hiwalay na strike sa southern Lebanon.
Sa kabuuan ng araw, ilang bahagi ng Beirut ang niyanig ng mga airstrike at paglipad ng mga military aircraft, habang walong strike ang tumama sa southern suburbs ng lungsod.
Ang Lebanon ay mas nadamay sa labanan matapos magsimulang magpaputok ng rockets ang Hezbollah sa Israel noong Marso 2 bilang suporta sa Iran.
Ayon sa ulat, libo-libong katao na ang nasawi at higit isang milyong residente ang lumikas dahil sa patuloy na bakbakan sa rehiyon, habang libo rin ang naiulat na namatay sa magkabilang panig mula pa noong pagsiklab ng digmaan. RNT/MND