MANILA, Philippines – Inamin ni Justice Secretary Boying Remulla na lumapit ang mga pamilya ng biktima ng drug war sa International Criminal Court (ICC) dahil sa pagkabigo ng sistemang pangkatarungan ng Pilipinas.
Sa isang pagdinig sa Senado tungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Remulla na matagal nang walang malapitan ang mga pamilya ng mga biktima, kaya napilitan silang humingi ng tulong sa ICC.
“The cases that we are speaking about were filed by their families in the ICC because they could not get justice in the country. I think that’s one thing that nobody wants to acknowledge—that there was a failure of our justice system for a long time,” ani Remulla.
“They had to file their cases in the ICC to get any attention at all from anybody who cared because for the longest time, itong mga biktima po, ‘yung mga namatayan, mga pamilya nilang namatay o kaya’y napaslang sa drug war, ay wala nang mapuntahan kaya do’n sila pumunta sa ICC,” dagdag pa niya.
Kinumpirma ni Remulla na nahirapan ang imbestigasyon noong administrasyon ni Duterte dahil sa pananakot ng pulisya sa mga piskal.
Bagamat aniya’y mas maayos na ang sistema ngayon, nauna nang nagsampa ng kaso sa ICC ang mga pamilya, ang ilan ay noon pang alkalde si Duterte sa Davao.
Dagdag pa niya, maraming kaso ng extrajudicial killings ang walang police report. Lumabas din sa pagsusuri ng forensic expert na si Raquel Fortun na may mga namatay sa drug war na idineklarang cardiac arrest sa death certificate, ngunit may tama ng bala sa ulo.
Hinimok naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang Senado na imbestigahan ang mga iregularidad na ito.
Samantala, muling iginiit ni Boying Remulla na hindi kailanman nakipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa ICC. RNT