Home NATIONWIDE K-Pop treatment kay Alice Guo ng NBI, pinalagan ni Hontiveros: ‘Kulang na...

K-Pop treatment kay Alice Guo ng NBI, pinalagan ni Hontiveros: ‘Kulang na lang red carpet’

MANILA, Philippines – Pinalagan ni Senador Risa Hontiveros ang “K-Pop” treatment ng National Bureau (NBI) kay Alice Guo pagdating ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos madakip sa Indonesia.

Hindi rin pumapayag si Hontiveros sa itinuturing na maniobra ng Hudikatura na ikulong ang puganteng dating alkalde ng Bamban, Tarlac sa naturang lugar upang managot sa patong-patong na kaso ng human trafficking, money laundering at posibileng murder.

“We want answers, not a photoshoot. Matapos nyang makipag-taguan sa batas, ginawa namang fan-meet nitong si Alice Guo ang pagkakaaresto nya. Kulang na lang, red carpet,” ayon kay Hontiveros na tumutukoy sa ginawang “welcome treatment” ng NBI sa pagdating nito sa paliparan.

“Tingnan natin kung gaano sya ka-photogenic sa hearing sa Lunes. Unli-pictures sya doon,” dagdag ni Hontiveros.

Ipinaalala ng senador sa ilang opisyal ng pamahalaan kabilang si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos laban sa pagtrato bilang “celebrity” kay Alice Guo.

“Isang paalala rin sa ating mga kasamahan sa gobyerno, hindi dapat ginagawang social event ang pag-aresto sa isang puganteng sangkot sa patong-patong na kaso ng human trafficking, money laundering, fake identity, gross misconduct, illegal recruitment and detention, at corruption,” giit ni Hontiveros.

Sinabi ng senadora na pinaglaruan ni Alice Guo ang batas ng Pilipinas at ginamit ang kanyang posisyon upang makapag-operate ang POGO na naging sangkot sa kidnapping, murder, human trafficking, at prostitution.

“Alice Guo, the fake Filipino, will have a lot of explaining to do on Monday,” ayon sa mambabatas.

“Pagbabayaran niya ang pagsisinungaling niya, ang pagtago, pagtakas, at ang panloloko sa sambayanang Pilipino,” giit ng senadora.

Kasabay nito, pinalagan din ni Hontiveros ang posibleng pagmamaniobra ng Hudikatura sa kaso ni Alice Gou matapos itong sampahan ng kaso sa Bamban, Tarlac na labag sa umiiral na kautusan at desisyon ng Supreme Court.

Ayon sa mambabatas, dapat sa Senado muna ikulong si Alice Guo upang makaharap siya sa pagdinig sa kanyang pagtakas.

“Ginagalang ko ang karapatan ng judiciary na mag labas ng warrant pero ang senado ang may pinaka-unang arrest warrant laban sa kanya. Ang Senado ang nag-trigger ng manhunt. Senate warrant ang bitbit ng ating law enforcement sa Jakarta,” ayon kay Hontiveros.

Binanggit din niya na malinaw ang desisyon ng Korte Suprema sa Binay vs Sandiganbayan na anumang kaso ng isang opisyal ng pamahalaan lokal tulad ng akalde ay nasa eksklusibong hurisdikyon ng Sandiganbayan.

“Bakit po kaya Tarlac court ang nag issue?,” giit ni Hontiveros.

“At bakit siya dinala sa Tarlac? Hiniling ko na si Gen. Ancan ng OSAA ay sumunod doon para mamonitor ang mga pangyayari doon,” dagdag ng senadora.

“Kaya pagkatapos siyang i-process ng NBI o PNP, kailangan ma-iturnover na siya sa OSAA. That was clear from the very start and that was the commitment of NBI Director Santiago,” paliwanag ng mambabatas.

“Ngayon kung si Guo Hua Ping ay di mag pyansya, ibig sabihin mas gusto pa niya makulong sa PNP kaysa sa Senate. We need to ask why. Why does she want to be in a jail more than in the senate detention facility?,” tanong ni Hontiveros. Ernie Reyes