Home NATIONWIDE K to 12 ‘di epektibo, employability issues ‘di nasolusyunan – NPTA

K to 12 ‘di epektibo, employability issues ‘di nasolusyunan – NPTA

MANILA, Philippines – Binatikos ni National Parents-Teachers Association President Willy Rodriguez ang K to 12 curriculum sa pagsasabing hindi ito epektibo.

Sa panayam ng DZBB, pinuri ni Rodriguez si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pag-uutos nitong pasimplehin ang kasalukuyang education curriculum.

“Napakagandang desisyon po ‘yan… Hindi effective ang ating K to 12… Naka-design ito na pang-OFW… Ibalik ang K to 10, ‘wag nang K to 12,” ani Rodriguez.

“Ilang beses na naming nabatikos [ang K to 12]… Ang pinakamagandang gawin ay tanggalin na ‘yan dahil hindi kapaki-pakinabang,” dagdag pa niya.

Sumang-ayon din ito sa pahayag ng Pangulo na hindi naman pinataas ng naturang curriculum ang employability ng mga estudyante.

Nagsisilbing balakid lamang ang K to 12 program sa mga estudyante at magulang Lalo na’t karamihan sa mga senior high graduates ay nananatiling unemployed.

“’Yung mga kumpanya ay hindi tumatanggap ng mga graduate ng senior high… Hindi ito effective… Ayon sa mga pag-aaral at diskusyon, ang employability ay hindi nasusunod… Hindi masakripisyo ng mga kumpanya na kukuha sila ng senior high graduates—college graduates ang kinukuha nila,” ayon kay Rodriguez.

Bilang alternatibo, sinabi nito na dapat ay sumailalim sa libreng seminar at retraining ang mga guro.

Dapat ding tutukan ang history, engineering, at technology subjects.

“’Yung ating pagiging makabayan, medyo nawawala kaya dapat ibalik ang history. Sa ating curriculum, ang engineering, technology, IT—‘Yan ang mga dapat tignan dahil ‘yan ang mas malaki ang sweldo at regular ang trabaho,” ani Rodriguez.

Nitong Biyernes, sinabi ni Marcos na pinag-uusapan nila ni incoming Education Secretary Sonny Angara ang kalagayan ng employment sa mga nagsipagtapos sa pag-aaral.

“There are two elements we paid attention to specifically… No. 1, ginawa natin ‘yung K to 12 dahil hinahanap ang years of training sa ating mga nag-apply at sinasabi dito sa Pilipinas kulang dahil 10 years… That was the reason we did it para employable ‘yung mga graduate natin,” sinabi ni Marcos sa ambush interview.

“Pero kung titignan natin ang naging resulta, hindi tumaas, hindi gumanda ang employability nila. So we have to do something else. Kaya we were examining things like mini-courses, three to six na buwan, one-year short courses para sa mga specialty,” dagdag pa nito.

Kasalukuyang sinusuri ng DepEd ang mga curriculum na makalilikha ng mas maraming job-ready at responsableng senior high graduates. RNT/JGC