MANILA, Philippines – Galit at lungkot ang naramdaman ng mga kaanak ng nawawalang sabungero matapos pangalanan ni Julie “Dondon” Patidongan si Charlie “Atong” Ang bilang utak ng mga pagdukot.
Ayon kay Maria Carmelita Lasco, ina ni Jon-Jon Lasco, matagal na nilang pinaghihinalaan si Ang ngunit natakot silang magsalita.
“Laban ako. Kailangan lumaban ako,” giit niya.
Hinimok din niya si Patidongan na huwag bawiin ang kanyang mga pahayag at nanawagan sa ibang testigo na lumantad.
Si Carmen Malaca naman, ina ni Edgar Malaca, ay nagsabing hindi na sila nagulat sa rebelasyon. “Kung nagkasala man, sana dumaan sa batas. Pero dinukot at pinatay niyo. Sobra na. Nasaan ang konsensya niyo?” tanong niya.
Pinaniniwalaan ng awtoridad na ang mga sabungero ay dinukot dahil sa dayaan sa sabong. Sinabi ni Patidongan na ang mga bangkay ay itinapon sa Taal Lake. RNT