Home METRO Curfew hours paiigtingin sa Maynila

Curfew hours paiigtingin sa Maynila

MANILA, Philippines – Mahigpit na ipatutupad ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pagpapatupad ng “curfew hours” sa kabisera ng bansa.

Ito ay matapos lagdaan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Executive No. 2 na nagsasaad “strictly enforce the 10PM – 4AM curfew for minors aged 17 years old and below”.

Bunsod ng mahigpit na pagpapatupad ng citywide curfew, agad na inatasan ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) Chief Jay Reyes Dela Fuente ang lahat ng District Office ng MDSW na buksan ang kanilang mga opisina 24 oras.

Ayon kay Dela Fuente, ang 24/7 operation ng mga district office ay layon upang maging intake at processing center ng mga menor de edad na lalabag sa nasabing kautusan.

Aniya, sa oras na limabag ang mga menor de edad sa nasabing kautusan ay agad itong dadalhin sa nasasakupang district office ng MDSW kung saan ipapatawag at kakausapin ang kanilang mga magulang upang ipaunawa ang kanilang  responsibilidad at ang nasabing batas o ordinansa.

Bukod sa pagpapaigting ng curfew hours sa Maynila ay nilagdaan din ni Domagoso ang mga sumusunod n akautusan: Executive No. 1, nag-aatas sa lahat ng empleyado at opisyal ng lokal na pamahalaan ay dapat maging modelo ng kagandahang asal; Executive No. 3, inaatasan ang lahat ng barangay officials sa lungsod na pangunahan ang pagsasagawa ng de-clogging ng mga kanal, estero at paglilinis ng kanilang nasasakupang lugar simula Hulyo 5, 2025 at tuwing araw ng Sabado; Executive No. 4 na naghihigpit sa pagpapatupad ng Motor Vehicle Modified Muffler Noise Regulation; at ang Executive No. 5 na nag-aatas sa lahat ng telephone companies at iba pang cable providers na isaayos ang mga patay na linya o mas kilala na “spaghetti wires” sa buong lungsod ng Maynila. JAY Reyes