PINURI ni Brian Poe Llamanzares, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan partylist, ang mga kabataang kalahok sa ‘Binhi ng Pag-asa’ program (BPP), dahil sa pagkilala sa mahalagang papel ng mga ito sa pagsulong ng agrikultura sa Pilipinas.
Ibinahagi ni Poe ang mga kwento ng tagumpay ng Binhi ng Pag-Asa Program (BPP) mula sa pinag-isang inisyatiba ng Agricultural Training Institute (DA-ATI) ng Department of Agriculture at ng Office of Senator Grace Poe (OSGP), na nagbibigay sa mga kabataang Pilipino ng kaalaman, kasanayan, at mga mahalagang kakailanganin para sa ikatatagumpay ng agrikultura.
Pangunahing tagapagsalita si Poe sa 5th National Summit, Year-End Assessment for Binhi ng Pag-asa Program, na ginanap sa Swiss BelHotel Blulane sa Binondo mula Nobyembre 27 hanggang 29, 2024.
May 100 kabataang benepisyaryo na nagmula sa mga lalawigan ng Tarlac, Laguna at Oriental Mindoro ang dumalo sa summit.
Binibigyang-diin ng ‘Binhi ng Pag-asa’ program ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga kabataan sa pag-unlad ng bansa, lalo na sa mahahalagang sektor tulad ng agrikultura, na humuhubog sa kinabukasan ng Pilipinas.
Ang mga benepisyaryo ng programa ay binigyan ng agricultural starter kits, modules at capacity-building activities para sa ibayong pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.
Nagbibigay naman ng pinansiyal na tulong ang ‘Sibol ng Pag-asa’ mula sa OSGP gayundin ng mahahalagang kagamitan upang lumago ang sakahan.
“Nakikita natin ang isang bagong henerasyon ng mga lider sa agrikultura na umuusbong mula sa programang ito,” lahad ni Poe.
“Hindi lamang sila masigasig sa pagsasaka, kundi handang ibahagi ang kasanayan tungo sa pagbabago,” aniya pa. RNT