MANILA, Philippines – TINIYAK ng Malakanyang na mananatili ang Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM) Program para sa mga Filipinong mangingisda hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Layon nito na matamo ang food security at paigtingin ang presensiya sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang government-owned fish carrier M/V MAMAMALAKAYA ay bumili ng 20.3 tonelada ng nahuling sariwang isda mula sa lokal na mangingisda simula nang ilunsad ang KBBM Program noong Mayo 9.
“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isulong ang food security at maritime development sa West Philippine Sea, inilunsad ang Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda o KBBM Program,” ang sinabi ni Castro.
“Sa KBBM, sama-sama nating itinataas ang dangal ng mangingisdang Pilipino, habang pinangangalagaan ang yaman ng ating karagatan para sa kinabukasan ng buong bayan, para sa Bagong Pilipinas,” aniya pa rin.
Sa ilalim ng KBBM program ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, M/V MAMAMALAKAYA ay dineploy sa katubigan malapit sa Bajo de Masinloc upang direktang bumili ng sariwang isda mula sa lokal na mangingisda.
Ang vessel ay magbibigay ng subsidiya o tulong pinansiya para sa crude oil at yelo upang tulungan ang mga mangingisda na nahihirapan sa transportasyon at iba pang gastusin.
Ani Castro, ang newly-launched program ay magpapatuloy hangga’t kailangan ng mga filipinong mangingisda ng tulong mula sa gobyerno.
“Para matugunan din po ang issue about food security. Talaga pong ito ay ipinag-utos ng Pangulo dahil tayo naman po ay may karapatan sa Bajo de Masinloc at dapat lang pong ma-exercise ng ating mga kababayan kung anong nararapat na mga karapatan po natin,” ang pahayag ni Castro. Kris Jose