Home NATIONWIDE PH, Cambodia sanib-pwersa vs human trafficking

PH, Cambodia sanib-pwersa vs human trafficking

MANILA, Philippines – MULING pinagtibay ng Pilipinas at Cambodia ang kanilang commitment na palakasin ang kanilang pagtutulungan para labanan ang human trafficking.

Ito’y matapos na wakasan ng dalawang bansa ang high-level discussion ukol sa pagpapalitan ng ‘best practices’ at paigtingin ang pagtutulungan ng rehiyon para tugunan ang mga usapin ukol sa human trafficking at umuusbong na mga krimen gaya ng trafficking para sa forced criminality sa scam hubs.

Sinabi ni Presidential Communications Office at Palace Press Officer Claire Castro na ang Regional Dialogue and Knowledge Exchange sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia ay inorganisa ng Inter-Agency Council against Trafficking (IACAT) kung saan ang chairman ay ang Department of Justice, sa pakikipagtulungan sa Cambodian National Committee for Counter Trafficking.

Ani Castro, ang inisyatiba ay tugon sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin at pagtibayin ang regional cooperation para protektahan ang mga biktima ng human trafficking, labanan ang mga sindikato at i-secure ang borders ng bansa.

“Target ng dalawang bansa na palakasin ang ating ugnayan sa pagbabahagi ng mga best practices at pagtugon sa mga bagong anyo ng trafficking, gaya ng forced labor sa mga scam hubs,” ani Castro.

Matatandaang pinag-iingat ng Department of Foreign Affairs ang mga filipino laban sa nakadududang overseas jobs, matapos na pabalikin sa Pilipinas ang 26 na Pinoy mula sa Oddar Meanchey Province sa Cambodia. Kris Jose