Home METRO Kadiwa store sa San Andres Maynila dinagsa

Kadiwa store sa San Andres Maynila dinagsa

(c) Jocelyn Tabangcura-Domenden

MANILA, Philippines – Dinagsa ng mga residente ng Maynila ang muling pagbubukas ng Kadiwa Store sa Bureau of Plant Industry sa San Andres Street sa lungsod upang makabili ng murang bigas, gulay at iba pa.

Partikular na maagang pumila ang mga senior citizen, single parent, person with disabilities, at 4Ps beneficiary.

Ito’y sa pagsisimula ng large-scale trials ng Department of Agriculture kung saan makakabili ng P29 na kada kilo ng bigas.

Alas-8 ng umaga nagbukas ng Kadiwa ngunit alas 7 pa lamang ay nagsimula nang magbenta ng ibat-ibang produkto.

Halos 100 sako ng bigas ang unang dumating at bawat isa na magtutungo ay makabibili ng tig-3 kilo.

Kinakailangan lamang na magdala ng valid IDs ang mga nabanggit na indibidwal at kung hindi naman makakapunta ay maaaring mga kaanak ang mag-representa.

Bukas ang Kadiwa sa BPI ng limang araw kada linggo mula Miyerkules hanggang Linggo kung saan maari rin makabili ang non-Manilan’s resident. Jocelyn Tabangcura-Domenden